Friday, March 09, 2012

DILAG, ROSAS AT PRINSESA (Isang Tulang Pag-Aalay)

Oh dilag na sa aki’y pumukaw
Parang langit, sa aki’y dumalaw.
Mga mata mo’y waring nakikipag-usap
Na para bagang may nais ipakiusap.
Nais ko sanang ipaabot sa’yo
Twi-twina’y ika’y nasa isip ko.
Di na makatulog, di pa makakain
Nangangayayat na kaiisip sa’yo.

Oh rosas sa mala-hardin kong buhay
Siyang nagbibigay ng maaliwalas na kulay.
Mga labi mo na kasing pula ng mansanas
Na waring kasing tamis ng kastanyas.
Nakasisilaw mong ganda
Talo pa si Haring Pebo kung umasta.
Ang siyang mangahas na tumitig sa’yo
Mabubulag sa kagandahan mo.

Oh prinsesang nagpatibok sa aking puso
Na laging ngalan mo’y binabanggit ng aking nguso.
Ako ma’y maraming kaagaw sa’yo
Ipinapangako kong ibibigay lahat ng nanaisin mo.
Lahat kakalabanin
Mapa-leon man o tigre.
Basta ‘pag ako ang nagwagi
Puso mo lamang ang nais makamit.

Malungkot mang isipin
Tayong dalawa’y di magkapiling.
Ngunit ako’y may nais lamang sabihin sa’yo
Ito sana’y pagkatatandaan mo.
Habang isinasagawa ko yaring tulang ito
Ikaw A.M.A. ang tanging laman ng isipan ko.
Siyang dilag, rosas at prinsesang iniibig ko
Habang buhay ang puso ko’y para sa’yo!

No comments:

Post a Comment