Sinasabing ang edukasyon ay ang solusyon sa lahat ng problema lalung-lalo na sa ating bayan. Sa buhay ng isang mag-aaral, isang napaka-laking karangalan ang makapagtapos sa kaniyang pag-aaral. Bilang isang mag-aaral, ako ay nagpapasalamat na ako ay nakarating sa ganitong estado ng aking buhay- ang makapagtapos sa pag-aaral. Ngunit, hindi ako makapagtatapos sa aking pag-aaral kung hindi dahil sa mga tao na naging inspirasyon ko upang ipagpatuloy at makapag-tapos.
Unang-una, ako’y nagpapasalamat sa aking pamilya na laging andyan sa aking tabi lalung-lalo na sa mga panahong ako’y maraming problema. Maraming salamat sa aking mga magulang na wala sawang nagbibigay ng kanilang pagmamahal at walang sawang pagsusuporta sa aking mga desisyon sa buhay.
Pangalawa, ako’y nagpapasalamat sa aking mga naging pangalawang magulang- ang aking mga guro. Kayo ang nagsilbing instrumento ng ating Panginoon upang ako’y bigyan ng sapat na karunungan at katalinuhan upang magamit ko para ako ay magtagumpay sa aking buhay. Kayo ang siyang tumutulong sa akin sa mga panahong ako’y hirap sa mga leksyon sa aking mga asignatura. Maraming salamat. Dahil sa inyo, ako ay may mga bagong kaalaman na maaari kong magamit sa darating na mga panahon.
Pangatlo, sa mga kamag-aral ko. Kayo ang ginamit ng Panginoon upang ako’y maging masaya kahit pa sa mga panahon na ako’y puno na ng mga problema. Maraming salamat sa mga oras na inyong ginugol na kasama ako, sa mga tawanan, sa mga pang-aasar at higit sa lahat, sa pagmamahal na inyong ipinadama sa akin.
At higit sa lahat, maraming maraming salamat sa Panginoon na siyang nagbigay ng buhay sa akin. Kung hindi dahil sa kanya, wala ako sa inyong harapan. Siya ang nagsilbing ilaw sa akin lalung-lalo na sa panahong puno ng kadiliman ang aking buhay. Siya ang nagsilbing pag-asa sa aking puso sa mga panahong nahihirapan ako sa pag-aaral. At higit sa lahat, siya ang nagsilbing katulong ko sa aking paggawa ng mga desisyon na nakatulong sa akin upang magtagumpay at makatapos ng pag-aaral.
Ito ang nagsisilbing simula ng mas mahirap na kabanata sa ating buhay. Ngunit, mapagtatagumpayan natin ito kung tayo ay hindi makakalimot na may mga taong handang tulungan tayo sa mga problema natin. Lagi nating tatandaan, wala nang iba pang makatutulong sa atin kundi tayo lamang at ang mga taong walang sawang nagmamahal sa atin. At kung tayo man ay dumating sa puntong hirap na hirap na sa buhay, huwag tayong magdalawang isip na humingi ng tulong sa Maykapal. Tiyak akong iniisip mo pa lamang, ibibigay Niya na!
Muli, isang magandang araw sa inyong lahat!