Friday, March 09, 2012

KABATAAN: PAG-ASA PA RIN BA NG ATING BAYAN? (Isang Talumpati)

“Ang kabataan ay ang pag-asa ng ating bayan.”


Ito ay isa sa mga napaka-tanyag na katagang binitiwan ng ating pambansang bayani na si Doktor Jose Rizal noong siya’y nabubuhay pa. Dito, inilalarawan niya na ang kabataan ay ang siyang may kakayahan na ipagtanggol ang ating bayan laban sa mga mananakop o sa iba’t ibang uri ng tao na may maitim na adhikain sa ating bansa. Ngunit, dahil sa mabilis na pagtakbo ng panahon, masasabi pa ba natin na ang kabataan ay siyang tunay na pag-asa ng Pilipinas, ang bayang ating sinilangan?

Sa ikalawang nobela ni Rizal na El Filibusterismo, natunghayan natin ang mga tauhan na sina Basilio, Isagani, Makaraig, Sandoval at Juanito Pelaez. Ang mga kabataan sa nobelang ito ay nagkakaisa sa iisang mithiin at ito ay ang ipaglaban ang karapatan nilang magtatag ng isang paaralang tinawag nilangAkademya ng Wikang Kastila na naglalayong magturo ng wikang Kastila sa lahat ng mga kabataang Filipino. Sa kasawiang-palad, ito’y hindi sinang-ayunan ng pamahalaang Kastila. Subalit, kung inyong mapapansin, ang mga kabataang Filipinong ito ay maituturing na mga dakila dahil sa pamamagitan ng kanilang layunin, naipakita nila na mayroon silang paki-alam sa kapwa nilang mga Filipino.

Ang aking tanong sa bawat isang naririto na nakaririnig ng aking talumpati, “Sa modernong panahong ating kinalalagyan ngayon, masasabi ba natin na mayroon pa ring Basilio, Isagani, Makaraig, Sandoval at Juanito Pelaez na siyang mayroong inisyatibong tumayo at lumaban para sa ating mga karapatan?”

Kung ako ang inyong tatanungin ukol diyan, oo ang aking isasagot. Mayroon pa ring mga kabataang tulad ng mga nabanggit na tauhan ng El Fili na siyang may lakas ng loob na ipaglaban ang ating mga karapatan.

Ngunit, kung mayroong mga kabataang tulad nila Basilio, napakarami rin namang mga kabataan ngayon ang maaari nating ihalintulad sa isa pang tauhan ng El Fili na nagngangalang Tadeo.

Si Tadeo, mga kaibigan, ay isang kamag-aral nina Basilio na namumukod-tangi sa lahat. Siya ay isang uri ng kabataan na tamad mag-aral at laging ipinanalangin na sana’y wala laging pasok. Kaya kung inyong natatandaan, noong hinuli na ang mga kabataan sa paratang na pagkakabit ng mga paskin sa kanilang paaralan, si Tadeo lang ang kaisa-isang mag-aaral na imbes na malungkot ay siya pang abot-tainga ang ngiti sabay sinunog pa ang kanyang mga aklat dahil ito daw ang pinakamasayang pangyayari sa kanyang buhay sapagkat dahil dito’y wala nang pasok sa kanilang paaralan.

Sa panahong ito, nagkalat ang mga “Tadeo” sa ating lipunan. Maraming mga kabataan na mas pinili na ubusin ang kanilang panahon sa paggawa ng mga walang kabuluhang gawain kaysa sa pagpunta sa kani-kanilang mga paaralan. Nariyan ang mga kabataang nauubos hindi lamang ang oras kundi pati na rin ang kanilang pera dahil lamang sa paglalaro ng mga computer games tulad ng Defense of the Ancient o mas kilala sa daglit na D.O.T.A. Nariyan naman ang mga kabataan na nauubos ang pera sa pagbili ng mga bagay na hindi naman nila kailangan. At ang mas masahol pa rito, marami nang mga kabataan ngayon ang nalululong sa iba’t ibang mga bisyo tulad ng pag-inom ng alak, paninigarilyo at ang mas matindi pa, ang paghithit ng mga ipinagbabawal na gamot.


Kung dati-rati, sa handaan ng isang kamag-aral na nagdiriwang ng kaarawan, madalas nating itanong ang mga ito: “Marami bang pagkain?,” “May mga palaro ba?” at “May keyk ka ba?” Ngayon, karamihan ng mga kabataang dadalo sa isang pagdiriwang ng kaarawan ng isang kaibigan ay ganito ang unang tinatanong: “May inuman ba?” sabay sabi ng, “Ui, San Mig Lights lang sa akin ha? Baka mapansin ni Papa at Mama.”


Oo. Marahil kayong naririto ay natatawa ngunit tanggapin na natin sa ating mga sarili na lahat ng mga ito ay possible at tunay na nangyayari sa modernong panahong ito.

Mayroon namang mga kabataan, na sa murang edad pa lang, ay pumapasok na sa pakikipag-relasyon. Ito ang siyang nagiging dahilan ng tumataas na kaso ng maagang pagiging mga magulang ng kabataan.

Oo, hindi masamang magmahal sa ating kapwa. Ngunit, hindi lang puso ang dapat nating gamitin sa pag-ibig. Maskailangan nating gamitin ang atin isip. At kapag magmamahal tayo, huwag natin ibigay lahat ng pagmamahal sa ating mga kasintahan. Magtira rin tayo para sa ating mga sarili. Kung gusto mong mahalin ka ng taong mahal mo, bakit hindi mo muna mahalin ang sarili mo? Sa ganoon, makikita ng mga tao sa paligid mo na may respeto ka sa sarili mo na siyang magiging dahilan ng iba upang mahalin ka.

Sa lahat ng mga kamaliang ginagawa natin bilang kabataan ng ating bayan, panahon na siguro upang tao’y magbago na at tahakin ang matuwid na pamumuhay.

Paano natin ito magagawa?

Simple lang ang naiisip kong solusyon. Simulan na nating isapuso ang pag-aaral. Isipin ninyo na iba pa rin ang taong nakapagtapos at may pinanghahawakang college degree­. Sa pamamagitan nito, hindi lamang natin makakamit ang ating pansariling pangarap, kundi makakatulong pa tayo sa pag-unlad ng ating bansa.

Sa simpleng pamamaraang ito, mapatutunayan natin sa lahat ng tao sa buong mundo na tunay at totoo nga ang sinabi ni Gat Jose Rizal na ang kabataan ang siyang natatanging pag-asa ng bayan!


19 comments:

  1. I ABSOLUTELY AGREE! VERY NICE!!

    ReplyDelete
  2. i like it...nakaka touch..

    ReplyDelete
  3. I don't like it.... I love it! Tama ka diyan!

    ReplyDelete
  4. Hi po. Pede ko po bang mahiram ang talumpating ito para sa presentasyon namin sa Filipino? God bless po

    ReplyDelete
  5. Pwed ko rin po bang hiramin tong talumpati pra din po sa aming presentasyon? Ito'y napakalaking tulong sa akin.

    ReplyDelete
  6. Can I use this too? For our portfolio :D

    ReplyDelete
  7. Pwede ko din po ba itong gamitin sa aming talumpati?

    ReplyDelete
  8. pahiram naman po nitong talumpati niyo para sa takdang aralin namin

    ReplyDelete
  9. hihiramin ko po sana ito para po sa talumpati namin ....Salamat po :)

    ReplyDelete
  10. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  11. finals po namen eh tapumpati din pwede kopo ba gamtin???

    ReplyDelete
  12. Hihiramin ko po sana ito, para sa aming talumpati. Ayos lang po ba? Maraming Salamat po ;)

    ReplyDelete
  13. its glad to hear to someone who think that education is very important for every individual :)

    ReplyDelete
  14. Pwede po bang pahiram nito? Para sa talumpati po kasi namin. Salamat :)

    ReplyDelete
  15. Pahiram po neto :D Salamat in advance :)

    ReplyDelete
  16. Magandang hapon sa lahat! Ngayon ko lang nabasa ang mga komento ninyo. Hindi na po kasi aktibo ang blogsite ko na ito. Kung may oras kayo, bisitahin po ninyo ang aking bagong aktibong blogsite sa www.iamaliterati.tumblr.com - kung saan makakakita pa kayo ng mga bagong sanaysay, talumpati at iba pang akdang pampanitikan gaya ng mga tula na ako mismo ang sumulat. Maraming salamat po at pagpalain nawa tayong lahat!

    ReplyDelete
  17. What an impressive speech!pahintulutan niu po sana aku na italumpati ito sa event po namin.��

    ReplyDelete